Senior High School Voucher Program ng DepEd, magpapatuloy

Magsisimula na sa Lunes, June 29, 2020, ang application period para sa Senior High School Voucher Program (SHSVP) para sa School Year 2020-2021.

Ito ang anunsyo ng Department of Education (DepEd) matapos inanunsyo ni Secretary Leonor Briones na nasa ₱8 billion ang tinapyas sa budget ng ahensya para sa pagpapatupad ng Bayanihan to Heal as One Act, kung saan ₱1.7 billion ay manggagaling sa voucher program.

Sa statement, sinabi ng DepEd na bagama’t malaking hamon ang pagpapatupad ng programa ay sisikapin nilang makahanap ng iba pang mapagkukunan ng pondo para rito.


Ipinaalala rin ng DepEd ang deadlines sa pagbuo ng account sa Online Application Portal (OVAP) sa July 22, 2020.

Sa July 24, 2020 naman ang deadline sa pagpasa ng application sa OVAP.

Ang posting ng application results sa OVAP at pagsisimula ng voucher redemption ay sa August 14, 2020.

Sa October 30, 2020 naman ang deadline ng pagpasa ng documentary requirements at voucher redemption.

Paalala pa ng ahensya, ang voucher program ay isasagawa lamang online at walang tatanggaping manual application.

Sa ilalim ng programa, binibigyan ng financial assistance ang mga kwalipikadong Grade 10 completers na gustong ipursige ang Senior High School sa mga pribadong eskwelahan, local o state universities at colleges.

Facebook Comments