Arestado sa magkakahiwalay na operasyon ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa Zamboanga City ang isang senior member ng Abu Sayyaf Group (ASG) at tatlo pang miyembro.
Sa press briefing sa Camp Crame, iniulat ni PNP Chief Police General Camilo Cascolan ang pagkakaaresto ng mga ito na kinilalang sina Kadija Sadji, 31-anyos, Abdulman Sarapuddin Tula alyas Mahn, 32-anyos.
Sila ay miyembro ng ASG at ISIS financial conduits ng Dawlah Islamiya sa ilalim ni Mundi Sawadjaan.
Habang ang isang pang naaresto ay kinilalang si Jailani Al Rafee Sakandal, 31-anyos, na natukoy ng PNP na active member ng Philippine Coast Guard (PCG) na may ranggong Apprentice Seaman. Siya ngayon ay isinasailaim sa imbestigasyon para matukoy ang kaniyang role sa ASG.
Bukod sa kanila, naaresto rin ng PNP kasama ang militar ang isang senior member ng ASG sa Zamboanga City na kinilalang si Hassan Anang Mohammad alyas Usi.
Siya ay sangkot sa pagdukot at pagpugot sa kidnap victim na si Doroteo Gonzales noong May 17, 2009 sa Al Barka, Basilan.