Manila, Philippines – Hiniling ni Kabayan Representative Ciriaco Calalang na bumuo ang PNP ng Seniors o Elderly Desk sa bawat police station sa bansa.
Ang rekomendasyon ng kongresista ay para sa mga senior citizens na bagaman at may pananagutan sa batas ay dapat pa rin umanong i-trato ng maayos ng mga otoridad.
Iginiit ni Calalang na bigyan ng sariling help desk o kaya ay isama sa Women’s and Children’s desk ang mga senior citizens na inaresto at huwag ihalo sa mga karaniwang bilanggo.
Katwiran ng kongresista, kahit na nagkasala ang isang senior citizen ay may special needs ito na dapat tugunan at protektahan ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Article 13 ng Revised Penal Code, maituturing na ‘mitigating circumstance’ ang mga nagkasala sa batas na nasa 70 anyos.
Nangangahulugan na ang mga senior citizens na lumabag sa batas ay maaaring babaan ang parusa na ipapataw sa mga ito.