Maaaring mapatalsik bilang miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) si Senador Manny Pacquiao matapos umano nitong iulat na sinisimulan na niyang gawing national party ang regional party nito na People’s Champ Movement (PCM).
Ayon kay Atty. Melvin Matibag, elected secretary general ng paksyon sa PDP-Laban na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi, ang planong ito ni Pacquiao ay major ground para mapatalsik siya sa partido.
Itinanggi naman ng tagapagsalita ng senador na si dating Negros Occidental Rep. Monico Puentevella ang alegasyon at iginiit na mananatili sa PDP-Laban si Pacquiao.
Aniya, wala nang maisip ang paksyon ni Cusi at ginagamitan na ng kalokohan para lang matanggal sa partido ang senador.
Para naman kay Senador Koko Pimentel na kaalyado ni Pacquiao, intensyon ng expulsion warning na sirain ang focus ng fighting senator para sa nalalapit nitong laban sa Las Vegas sa August 21.