Magsasagawa ng masusing review ang Philippine National Police (PNP) sa mga sensational case ng mga lokal na opisyal na nasawi sa kasagsagan ng war on drugs ng nakalipas na Duterte administration.
Ang pahayag ay ginawa ni PNP PIO Chief PBGen. Jean Fajardo matapos ang rebelasyon ni retired Police Colonel at dating Philippine Charity Sweepstakes Office Chief Royina Garma sa pagdinig ng House Quad Committee.
Ayon kay Fajardo, kasama sa titingnan nila ang pagpatay kay dating Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili noong 2018.
Aniya, nasa proseso na ngayon ang CIDG ng pag-imbestiga at pag-aaral sa kaso ni Halili pati na ang pagtukoy sa partisipasyon umano ng pulis na may apelyidong Albotra sa pagkamatay ni Halili.
Samantala, nilinaw ni Fajardo na may isang aktibong Albotra na lang sa serbisyo at ito ay si Police Captain Kenneth Paul Albotra na noo’y nakatalaga sa Police Regional Office 7.
Sa ngayon, wala pa aniya sa restrictive custody ng PNP si Albotra kung saan hahayaan na lamang nila itong depensahan ang sarili sa korte.