Sentimyento at kalagayan ng mga mangingisda sa Zambales kaugnay sa tensyon sa West Philippine Sea, aalamin ng Kamara

 

Nakahanda na ngayon ang municipal hall ng Masinloc, Zambales para sa gagawing konsultasyon ng House of Representatives sa mga mangingisda sa Masinloc at Sta. Cruz, Zambales kaugnay sa tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon kay Zambales 2nd District Representative Doris Bing Maniquiz, aabot sa 1,500 mga mangingisda sa Masinloc at Zambales ang lubhang apektado ng pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea.

Binanggit ni Congresswoman Maniquiz na ginagamitan ng China Coast Guard ng water cannon ang mga bangkang sinasakyan ng mga mangingisda at pinapalibutan sila tuwing papalaot para mangisda kaya huminto na sila sa takot.


Malapit sa pampang na lang sila nangingisda kung saan kakaunti ang kanilang huli kaya kakaunti lang ang kita.

Ang public consultation ngayon ay bahagi ng imbestigasyon ng Committee on National Defense and Security at Special Committee on the West Philippine Sea.

Inaasahang lalahok sa aktibidad ngayon ang ilang mga kongresisa sa pangunguna ng chairman ng dalawang komite na sina Iloilo 5th District Rep. Raul Boby Tupas at Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II.

Facebook Comments