ALAMINOS CITY, PANGASINAN – Matagumpay na naisagawa ng pamahalaang lungsod ng Alaminos ang isang “Orientation Seminar on Swine Recovery Program: Animal Sentinelling Project” sa MVC Techno Demo Farm na pinangunahan naman ng pamunuan ng City Veterinary Office at City Agriculture Office.
Ang pagsasagawa nito ay kaugnay naman sa layuning manumbalik ang produksyon ng hog industries sa lungsod na lubos na nakaapekto sa mga farm owners at hog raisers buhat ng tumama ang African Swine Fever o ASF.
Ito rin ay isang paghahanda ng lokal na pamahalaan para matulungan ang mga lubos na naapektuhan.
Ang sentinelling program ay isang panimulang hakbang ng Department of Agriculture (DA) upang pataasin ang produksyon ng baboy, at kasunod na patatagin ang supply at presyo nito.
Ang sentinelling ay paglalagay din ng mga alagang baboy sa isang partikular na babuyan na kung saan ito ay oobserbahan ng ilang buwan at kung makita na walang indikasyon ng virus ay maari na itong dagdagan muli ng baboy.
Dumalo ang lokal na pamahalaan at ang iba pang miyembro ng ASF Crisis Management Team.###