Nakiusap si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga employer na tiyaking makatatanggap ng separation pay ang mga empleyado nito.
Ito ay makaraang mag-abiso sa Department Of Labor And Employment (DOLE) ang ilang kumpanya hinggil sa plano nilang magbawas ng empleyado dahil sa epekto sa ekonomiya ng COVID-19 crisis.
Kabilang dito ang Cebu Pacific at Philippine Airlines gayundin ang mga hotel na limitado pa rin ang operasyon dahil sa pandemya.
Ayon kay Bello, kung kinakailangan talagang magtanggal, huwag naman aniyang kalimutan ang karapatan ng mga manggagawa sa nasabing benepisyo.
Tiniyak din ng kalihim na ginagawa ng ahensya ang lahat ng makakaya nito para protektahan ang kapakanan ng mga empleyado sa bansa.
Nabatid na halos 2.7 milyong indibidwal sa bansa ang pansamantalang nahinto sa pagtatrabaho o sumasailalim sa flexible working arrangements dahil sa COVID-19 crisis.
Habang mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, aabot na sa 70,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho at nasa 200 negosyo na ang nagsara.