CAUAYAN CITY- Mahigit 800 indibidwal ang nabigyan ng libreng serbisyo sa isinagawang serbisyo caravan ng Lokal na Pamahalaan sa Brgy. Abuyo, Alfonso Castaneda, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Provincial Jail Warden Carmelo Andrada, Chairperson ng Provincial Task Force – ‘Serbisyo Caravan,’ ang isinagawang caravan ay nilahukan ng iba’t ibang ahensya ng Pamahalaang Nasyonal at Lokal.
Binigyang-diin niya na ang programang ito ay nakatuon para sa mga Geographically Isolated and Depressed Areas (GIDA), tulad ng Barangay Abuyo.
Layunin nitong maihatid ang mga pangunahing serbisyo at suporta ng pamahalaan sa mga lugar na limitado ang access sa ganitong tulong.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang Serbisyo Caravan para sa mga mamamayan, lalo na sa pagpapanatili ng koneksyon at suporta ng pamahalaan sa mga nangangailangan.
Samantala, ipinahayag din na magpapatuloy ang programa sa iba pang mga lugar na kabilang sa GIDA sa lalawigan ng Nueva Vizcaya, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na inisyatibo ng pamahalaan.