Manila, Philippines – Kasabay nang paglulunsad ng “Oplan Mayon” ng Department of Health ay isinailalim na rin sa Code Blue alert ang mga ospital sa lalawigan ng Albay.
Sa ilalim ng Code Blue Alert, 50 porsiyento ng mga kawani ng ospital ay kinakailangang mag-report sa trabaho para magbigay ng serbisyong medikal.
Nagpadala na rin ang DOH ng dalawang Rapid Health Assessment Team sa Camalig, Guinobatan at Ligao City.
Namahagi rin ang Regional Office ng kagawaran ng tig-1,500 na piraso ng face mask sa Bayan ng Guinobatan at Camalig at tig-58 libong pisong halaga ng gamot sa dalawang bayan.
Nagbalangkas na rin ng contingency building ang DOH Region 5 na maaaring magsilbing extension ward sakaling tumaas ang bilang ng mga pasyenteng mangangailangang bigyan ng medical attention.
Pinalakas din ng DOH sa Rehiyon ang hospital Alliance Network sa mga pribadong ospital at binabantayan na rin ang posibleng outbreak ng sakit sa mga Evacuation Center.