Serbisyo ng contract tracers, tinapos na ng DILG

Hindi naging maganda para sa mga libu-libong contact tracers ang naging pagsalubong nila sa taong 2021.

Tinapos na kasi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kanilang serbisyo sa anti-COVID-19 efforts.

Sa isang kautusan, inaatasan ng DILG ang lahat ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) na sabihan ang kanilang mga contact tracers na nagtapos na ang kanilang kontrata noong December 31, 2020 at kailangan nang isara ang lahat ng kanilang mga gawain at aktibidad.


Paliwanag ng DILG, hindi isinama ng Kongreso sa 2021 budget ang pagpapatuloy sana sa serbisyo ng mga contact tracers.

Sa halip, mas nakatutok na ngayon ang COVID-19 efforts sa vaccination program.

Ipinapaubaya naman ng DILG sa mga Local Government Unit (LGU) kung pananatilihin ang kanilang contact tracers alinsunod na rin sa pangangailangan at sa kapasidad nila sa pananalapi.

Facebook Comments