Mahigpit na pinababantayan ni Senator Risa Hontiveros sa Department of Information ang Communications Technology (DICT) ang serbisyo ng Dito Telecommunity Corporation na binigyan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ng 25-year franchise.
Ayon kay Hontiveros, kasunod ito ng mga napaulat na reklamo ng mga customer dahil sa hindi magandang serbisyo ng Dito tulad ng pawala-wala raw na signal, SIM cards na hindi compatible sa maraming cellphone, at mabagal na internet.
Giit ni Hontiveros, dapat agad ipawalang-bisa ng DICT ang P25.7-bilyong performance bond kung hindi makatupad ang Dito sa pangako nitong mas maayos at mabilis na serbisyo.
Paalala ni Hontiveros, nag-commit ang Dito na magbigay ng 27 megabits per second na internet speed sa loob ng isang taon ng operasyon nito.
Binanggit pa ni Hontiveros na nangako rin ang Dito na maabot ng 55 Mbps na internet speed ang 84% ng populasyon ng bansa sa loob ng limang taon.
Ipinunto ni Hontiveros na layunin ng pagkakaroon ng ikatlong telco sa bansa ay para gumanda ang kompetisyon at mahusay ang serbisyo sa mamamaya,n hindi para madagdagan pa ang sakit ng ulo natin dahil sa kapalpakan.