Serbisyo ng gobyerno, hindi dapat maantala habang nasa transition ang mga kinauukulang ahensya tungo sa bagong Department of Migrant Workers

Pinapatiyak ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi maaantala ang pagbibigay ng gobyerno ng serbisyo sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na may napakalaking ambag sa ating ekonomiya.

Sinabi ito ni Go sa harap ng dalawang taong transition period ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan patungo sa bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW).

Kabilang sa pitong tanggapan na kasama sa transition ay ang apat na ahensya sa sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) at tig-isa naman sa ilalim ng Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Base sa batas, pagsasama-samahin sa DMW ang lahat ng trahaho, assets, pondo ng pitong ahensya na ang mandato ay tumulong sa mga Pilipino sa ibang bansa.

Trabaho rin nito ang pag-regulate ng pribadong recruitment agencies at pagkilos para sa paghahabla sa mga illegal recruiter at gumagawa ng human trafficking.

Ayon kay Go, ang bagong DMW ay magsisilbing one-stop shop para sa documented at undocumented OFWs at tutulungan nito ang mga OFW mula sa pre-employment hanggang employment at reintegration.

Diin ni Go, nang magsimula ang pandemya ay higit na kinailangan ang pagtatag ng DMW para mag-asikaso at magbigay ng importansya sa mga OFW na nawalan ng trabaho at umuwi sa bansa.

Facebook Comments