Serbisyo ng gobyerno na tugma sa pangangailangan ng tao, hangad ni Ping

Pinaghahandaan na ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang pagpapatupad ng solusyon upang mas maging epektibo ang paghahatid ng serbisyo publiko ng mga opisyal at kawani ng gobyerno at maramdaman ng taumbayan na sulit ang kanilang ibinabayad na buwis.

Sinabi ni Lacson sa isang panayam sa radyo kamakailan na nais niyang mapalakas ang pagtugon ng gobyerno sa panahon ng kalamidad, lalo na sa mga local government unit na may kakulangan sa kapasidad, upang agad na matulungan ang mga apektadong mamamayan at komunidad–mga bagay na isasailalim sa buong proseso ng pagbangon nang hindi kinakailangang gumastos nang malaki ang pambansang pamahalaan.

Muling inihayag ng presidential candidate na mayroon siyang alinlangan sa mungkahi na pagbuo ng Department of Disaster Resilience, dahil magiging sapat na aniya ang isang sangay sa ilalim ng Office of the President (OP), upang mapagsama-sama ang plano ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para rumesponde tuwing panahon ng sakuna.


Dagdag ni Lacson, kahit pa ramdam naman ang presensya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD) sa panahon ng kalamidad, makatutulong ang isang ahensya na konektado sa OP para mas maging epektibo ang mga aksyon ng gobyerno.

Ang isang awtorisadong sangay na magiging tagapag-ugnay ng lahat ng mga plano ng iba’t ibang ahensya bago, habang, at pagkatapos ang isang kalamidad ay makatutulong din upang magkaroon ng pangmatagalang tulong sa mga nasalantang lugar, ayon kay Lacson.

Aniya, iminungkahi na niya ito noon matapos siyang manilbihan bilang rehabilitation czar ng dating Pangulong Noynoy Aquino nang manalasa ang super typhoon ‘Yolanda’ noong 2013.

Nakapaloob sa plano ni Lacson na isang eksperto sa crisis management ang gagawa ng desisyon sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga mekanismo upang makatugon sa kalamidad na pangungunahan ng pamahalaan kasama ng wastong paggabay at koordinasyon mula sa mga angkop na ahensya ng gobyerno.

May kaunting kaibahan ito sa sistema ngayon kung saan ang NDRRMC na pinamumunuan ng the Kalihim ng Department of National Defense, katuwang ang Kalihim ng Department of the Interior and Local Government, ay nagpupulong muna kasama ng lahat ng miyembro ng konseho bago magkaroon ng desisyon.

Kilala si Lacson, bilang mapanuri lalo na sa pamamahala ng badyet. Ito ay dahil sa 18-taon niyang karanasan bilang senador na kumikilatis sa National Expenditure Program ng mga nakaraang administrasyon.

Sa ilalim ng kanyang magiging administrasyon, sakaling siya ang susunod na maging pangulo, layunin niya na mapunta at magamit nang tama ang pambansang badyet para sa mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan upang mabenepisyuhan ang mga mamamayan.

Facebook Comments