Nakitaan ng National Telecommunications Commission (NTC) ng improvement o paghusay sa serbisyo ng mga private telecommunication companies o telco sa Pilipinas.
Ito ay kasunod na rin ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipapasara ang mga ito kapag hindi pa gumanda ang kanilang serbisyo.
Ayon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, bumuti ang serbisyo ng Globe, Smart at Converge.
Inaasahan pang mas aayos ang kanilang mga serbisyo kapag pumasok na ang ikatlong telco na DITO Telecommunity sa Marso ng susunod na taon.
Iginiit ni Cordoba na mas huhusay pa serbisyo ng mga telco kapag mahigpit ang kompetisyon.
Gayumpaman, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pang-‘world class’ ang telco service ng Pilipinas.
Paalala rin ni Roque sa mga telco na ang kanilang serbisyo ay hindi na isang pribilehiyo kundi bahagi na ng karapatan ng bawat mamamayan.
Nabatid na pang-34 ang Pilipinas sa Asya pagdating sa telco service.