SERBISYONG LEGAL, INILAPIT SA PUBLIKO SA PAGPAPASINAYA NG BAGONG PUBLIC ATTORNEY’S OFFICE SA BACNOTAN, LA UNION

Mas inilapit sa publiko ang libreng serbisyong legal matapos pormal na buksan ang Public Attorney’s Office (PAO) – Bacnotan District Office kahapon, Enero 5, 2026, sa Bacnotan Public Market.

Layunin ng pagbubukas ng tanggapan na mabigyan ng mas mabilis at madaling access sa libreng tulong-legal ang mga residente ng Bacnotan at mga karatig-bayan, partikular ang mga walang kakayahang kumuha ng pribadong abogado.

Matatagpuan ang PAO Bacnotan District Office sa ikatlong palapag ng Phase 3 ng Bacnotan Public Market at bukas mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Kabilang sa mga serbisyong inaalok ang legal advice, mediation, paggawa ng piling affidavits, pagsasampa ng mga kaso, at court representation para sa mga kwalipikadong kliyente.

Ayon sa PAO, hindi kinakailangan ang proof of indigency para sa legal advice at konsultasyon, ngunit kailangan ito para sa court representation at pagsasampa ng kaso.

Saklaw ng Bacnotan District Office ang Bacnotan, San Juan, at San Gabriel, at magsasagawa rin ng outreach services sa mga malalayong barangay upang mas mapalapit ang serbisyong legal sa mga nangangailangan.

Facebook Comments