Pinapatiyak ni AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes sa kasalukuyang mga opisyal ng barangay na hindi maaapektuhan ang serbisyong pinagkakaloob ng barangay ng gaganaping Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Reyes, kailangan ang epektibo at tuluy-tuloy na pagpapatupad ng health and social services lalo na ang mga programang pangkalusugan tulad ng pagbabakuna.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ni Reyes ang patuloy na pagsusulong sa House Bill No. 1829 o panukalang magpapalakas sa barangay health workers o BHWs sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng dagdag na health benefits, compensation, at incentives.
Tinukoy sa panukala ang mga insentibo tulad ng hazard allowance, transportation allowance, subsistence allowance, one-time retirement cash incentive health benefits, insurance coverage, gayundin ang vacation at maternity leaves.
Nakapailalim din sa panukala ang pagkakaloob sa BHWs ng oportunidad para mapahusay ang kanilang hanay sa pamamagitan ng pagsailalim sa educational programs at scholarship benefits.