SERENATA SA CORONADA, ISINAGAWA BILANG BAHAGI NG SENTENARYO NG MANAOAG

Isinagawa ang makasaysayang Serenata sa Coronada sa Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng Canonical Coronation ng Mahal na Birhen ng Manaoag.

Dinagsa ng mga deboto at manonood ang nasabing gawain na tampok ang isang choral competition at musical serenade bilang pag-aalay kay Apo Baket.

Nagsimula ang programa sa reception ng mga panauhin, sinundan ng Regina Caeli at enthronement ng imahe ng Birhen sa altar. Nagbigay naman ng panalangin si Rev. Fr. Alexander Constantine Seño, O.P., habang inihatid ni Rev. Fr. Jerome R. Geronimo, O.P. ang opening message.

Bahagi rin ng programa ang pagtatanghal ng anim na kalahok na choir sa opening performances at ang main competition proper ng Serenata sa Coronada.

Itinampok din ang awiting “Himno ed Pamalanget na Maglorian Virgen ed Manaoag,” ang orihinal na himno noong 1926 canonical coronation.

Sa pagtatapos ng programa, inanunsyo ang mga nagwagi at special awardees, kung saan tinanghal na kauna-unahang champion ng Serenata sa Coronada ang Calasiao Chamber of Chorus. Kasunod naman nito ang champion’s encore at farewell rites ng imahe ng Birhen.

Nagbigay naman ng mensahe ng pasasalamat si Rev. Fr. Felix C. Legaspi III, O.P., rector ng basilica, bago tuluyang isinara ang programa sa pamamagitan ng awiting “Mabuhay ang Manaoag,” ang opisyal na himno para sa 2026 centennial celebration.

Ang nasabing aktibidad ay isa lamang sa mga tampok na kaganapan bilang paghahanda sa mas malawak pang selebrasyon ng sentenaryo ng coronation ng Our Lady of Manaoag. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments