Tuluy-tuloy pa rin ang pag-iikot ng Mobile Serology Testing Clinics ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa gitna ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) bilang bahagi ng libreng COVID-19 mass testing program sa bawat residente.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, mas epektibo ang serology testing na inilunsad ng pamahalaang lungsod sa iba’t ibang barangay kung saan ang serology testing machines na ginagamit ay mayroong accuracy rate na umaabot sa 99.6% specificity and 100% sensitivity.
Sinabi pa ni Moreno na nakatutulong ito sa mabisang contact tracing at surveillance ng COVID-19 cases sa mga komunidad na siya ring ginagamit sa ibang bansa.
Natutukoy rin ng nasabing serology testing ang iba pang sakit ng isang indibidwal tulad ng Human Immunodeficiency Viruses (HIV), cancer, hepatitis at tuberculosis.
Dagdag pa ng alkalde, hindi rapid testing ang ginagamit sa drive-thru testing centers sa Maynila dahil mas mataas ang accuracy ng serology test kumpara sa rapid tests.
Patuloy rin na sinusunod ng lokal na pamahalaan ang guidelines na inilatag ng Department of Health sa ginagawa nilang pagsusuri.
Nabatid naman na nasa 20 milyong piso ang natanggap na donasyon ng lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang sektor na gagamitin para masiguro ang kaligtasan ng bawat Manileño laban sa COVID-19.