Sertipikasyon sa budget at pagpapatawag ng special session, welcome sa liderato ng Kamara; Minorya, hindi na magsasagawa ng parallel budget deliberation

Tiniyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano na magtatrabaho sila para sa mabilis na pag-apruba sa 2021 General Appropriations Bill.

Kasunod ito ng pagsertipika ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon at ang pagpapatawag ng special session sa October 13 hanggang 16.

Ayon kay Cayetano, welcome sa kanila ang utos ng Pangulo at tiwala sila sa wisdom nito para masolusyunan ang isyu sa ₱4.5 trillion na pambansang pondo sa 2021.


Nagpapasalamat din si Cayetano sa patuloy na tiwala ng Punong Ehekutibo sa Kongreso na maipasa ang pondo nang walang halong pulitika at intriga.

Samantala, suportado naman ng Minorya sa Kamara ang hakbang para mapabilis ang pagpapatibay sa 2021 national budget.

Pinahahalagahan lamang umano ng Pangulo na maipasa sa itinakdang oras ang pambansang pondo upang matugunan ang pangangailangan laban sa COVID-19 pandemic.

Dahil sa special session ay hindi na rin itutuloy ng Minorya ang pagsasagawa ng sariling parallel budget deliberation na nakatakda sanang gawin sa Lunes, October 12, 2020.

Facebook Comments