Sertipikasyon sa MIF Bill, naaayon umano sa Konstitusyon

Naaayon o salig sa Konstitusyon ang pagsertipika bilang urgent sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Ito ang tugon ni Senate Majority Leader Joel Villanueva matapos na sabihin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na labag sa Saligang Batas ang sertipikasyon sa panukala dahil wala namang public emergency o calamity.

Sinabi ni Villanueva na batay sa Konstitusyon (Article 6 Section 26), ang public calamity o emergency ay maaaring bigyang pakahulugan ng mismong presidente at may sapat na batayan ang punong ehekutibo para madaliin ang isang panukala.


Ipinunto ng senador na batay sa sertipikasyon na isinumite sa Senado na may petsang May 22, 2023, tinukoy rito ang pagbagsak ng global trade projection, pagtaas ng inflation, crude oil at iba pang fuel, giyera sa Ukraine at Russia at pagtaas ng interest rate na ilan lamang sa mga dahilan kaya humiling na ang pangulo sa Senado na madaliin ang sovereign wealth fund.

Aniya pa, ang mga binanggit sa isinusulong sa Maharlika Fund ay pasok sa public emergency at ang impormasyong ito ay available sa pangulo.

Samantala, itinatanggi naman ni Villanueva na may pressure mula sa pangulo kaya minamadali ang MIF Bill.

Katunayan aniya, tatlong buwan na nilang tinatalakay ang panukala at dumaan naman ito sa normal course at ngayong nananawagan ang presidente na ipasa ang panukala ay kanila itong tutugunan.

Nakwestyon naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang kawalan ng quorum sa plenaryo kaya agad rin munang sinuspinde ang debate sa panukala.

Facebook Comments