Manila, Philippines – Iginiit ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva na hindi dapat mabago o mabawasan ang natatanggap na mga benepisyo ng mga manggagawa sa hotel at restaurant dahil sa bagong service charge law.
Diin ni Villanueva, malinaw sa batas na hindi ibabawas sa computation ng mga benepisyo ng mga manggagawa ang makukuha nilang hati mula sa service charges o tip ng customers.
Ayon kay Villanueva, iniuutos ng bagong batas na hatiin sa lahat ng mga manggagawa ng hotel, restaurant at katulad na establishments ang 100 percent ng service charges.
Hindi kasali sa hatian ang nasa managerial positions pataas.
Ang bagong batas ay pag-amyenda sa Article 96 ng Labor Code na nagtatakda ng 85-15 percent na hatian ng service charge na ginagawa simula pa noong 1975 kung saan ang 85 percent ay para sa mga manggagawa at 15 percent para sa management.