Hinikayat ni Deputy Speaker Mikee Romero ang Land Bank na i-waive ang handling fees o service charge para sa financial aid sa mga mahihirap sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon kay Romero, sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng PHP 100 Billion na ayuda sa mga mahihirap ngayong buwan at panibagong PHP 100 Billion ulit sa susunod na buwan.
Ang Landbank aniya ang official conduit bank ng gobyerno dahil marami itong branches sa buong bansa kaya dito kinukuha ng mga household-beneficiaries ang kanilang natatanggap na ayuda tulad ng Pantawid Pamilya Pilipinong Program (4Ps).
Aniya, sa PHP 100 Billion na financial aid ngayong may krisis sa COVID-19, tinatayang may PHP 500 million na service charge para dito.
Paliwanag ni Romero, kung i-we-waive o hindi na sisingilin ng Land Bank ang kanilang PHP 500 million service charge fees para sa Bayanihan cash grants ay mayroong dagdag na 100,000 na mahihirap na pamilya ang mabibigyan ng ayuda o tig PHP 5,000 bawat households.
Dagdag ng mambabatas, kaya namang pakawalan ng Landbank ang handling fees para sa emergency assistance dahil mayroon pa rin namang service fee ang cash grants sa ilalim ng 4Ps na aabot ng PHP 509 million.