
Maliban sa fuel subsidy, tinitingnan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatupad ng service contracting sakaling magpatuloy ang walang prenong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa ilalim ng service contracting scheme, ang Service Contracting Program (SCP) ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB ay isang programa kung saan direktang kinokontrata ng gobyerno ang mga operator ng pampublikong sasakyan (PUV) upang bumiyahe sa kanilang mga ruta.
Sa ilalim nito, ang mga driver ay binibigyan ng sahod batay sa bilang ng biyahe o sa layo ng kanilang tinatakbo, at hindi sa dami ng kanilang pasahero.
Layunin nitong magbigay ng regular na kita sa mga driver at operator, lalo na sa panahon ng krisis, at palitan ang tradisyunal na boundary system.
Bahagi ito ng tulong ng pamahalaan para sa sektor ng transportasyon.
Nauna nang ipinatupad ng pamahalaan ang programang ito noong kasagsagan ng pandemya.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, isa lamang ito sa mga solusyong ikinokonsidera ng DOTr sakaling lumala pa ang tensyon sa Middle East.
Kabilang din dito ang posibleng provisional fare increase, ngunit masusi itong susuriin alinsunod sa inaasahang malaking pagtaas ng presyo ng krudo.










