Magpapatuloy sa susunod na linggo ang service contracting program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito ang inanunsyo ni LTFRB Chairman Martin Delgra III, matapos na pondohan ng P3-B sa ilalim ng General Appropriations Act of 2021 ang muling paglulunsad ng naturang programa.
Layon nito na matulungan ang mga operator at driver na naapektuhan ang kita dahil sa pandemya.
Ang Service Contracting Program, ay isang performance-based incentive na ibinibigay sa mga operator at driver base sa bilang ng trip na itinatakbo ng kanilang sasakyan kada linggo.
Dahil sa panunumbalik ng programa, asahang magpapatuloy na ring muli ang libreng sakay para sa health and medical frontliners, essential workers, at Authorized Persons Outside of Residence (APOR).