Pinasisilip ni Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas ang paniningil ng service fee sa ayudang ipinamamahagi sa mga benepisyaryo gamit ang digital payouts.
Kasabay ito ng pagtuligsa ni Brosas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa napakabagal na distribusyon ng ayuda na P4,000 sa bawat pamilya o P1,000 sa bawat miyembro na apektado ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Mababatid na inamin ng DSWD na nasa 8% pa lamang ng cash aid ang naibibigay sa mga apektadong pamilya o 1.7 million pa lamang sa 22.9 million target beneficiaries ang nabigyan ng ayuda.
Giit ni Brosas, hindi na ayuda kundi abuloy na ang tawag dito dahil inabot na ng panibagong quarantine classification ay hindi pa rin nakakarating sa mamamayan ang tulong.
Bukod dito, sinita pa ng kongresista ang P20 hanggang P50 na service fee para sa mga beneficiaries na kumuha ng ayuda gamit ang digital payouts.
Hiniling ni Brosas na siyasatin kung sino ang kumikita sa kinuhang Fintech companies para gamitin sa pamamahagi ng ayuda na isang libo na lamang ay babawasan pa.