Ipinasisilip ng Bayan Muna sa Kamara ang outsourcing ng serbisyo para sa passport renewal sa embahada ng bansa sa Italya.
Ito ay dahil inirereklamo ng mga Pilipino na naoobliga silang i-renew ang kanilang pasaporte sa ilalim ng BLS International Services, ang private outsurcinog company na kinuha ng Philippine Embassy sa Italy dahil sa bagal ng appointment at proseso sa mismong embahada.
Bukod sa Italy, ay pumirma na rin ng kontrata ang nasabing kumpanya sa Department of Foreign Affairs (DFA) na maglagay ng e-passport renewal centers (e-PARC) sa Malaysia at Qatar.
Giit ng Bayan Muna, umaalma ang mga Filipino migrants at OFWs sa dagdag na gastos sa renewal ng passport sa ilalim ng private outsourcing entity lalo’t sila’y apektado rin ng pandemya doon.
Kinakailangang magbayad ang isang Pilipino doon ng 130 euros o katumbas ng P7,540 para lamang sa isang passport renewal.
Tinukoy pa na labag din sa Republic Act 8239 o Philippine Passport Act of 1996 ang nasabing hakbang dahil hindi dapat ipinapasa ang authority o kapangyarihan sa pag-iisyu ng pasaporte sa mga pribadong tao o kumpanya.
Dahil dito, inihain ng mga kongresista ng Bayan Muna ang House Resolution 2475 kung saan inaatasan ang House Committee on Overseas and Workers Affairs na imbestigahan ang nasabing problema sa passport renewal sa embahada sa Italya.