
Nagpasaklolo na ang grupong Buklod Kapayapaan Federation sa Commission on Human Rights (CHR) dahil sa serye umano ng pagpatay ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) sa halos limampung dating rebelde at sibilyan sa Negros Island Region.
Ayon kay Rey Christian Sabado, national secretariat ng Buklod Kapayapaan Federation, nagsumite ang kanilang grupo sa CHR ng resulta ng fact-finding mission hinggil sa isang insidente sa Abra de Ilog, Mindoro, kung saan nasawi ang isang estudyante na kinilalang si Jerlyn Doidora matapos mapaghinalaang spy ng gobyerno.
Iginiit ng grupo na bahagi ng programa ng CPP-NPA ang pag-target sa mga pinaghihinalaang “taksil” sa kilusan, na nagreresulta sa sunod-sunod na pagpatay.
Hiniling din nila ang proteksyon at suporta mula sa pamahalaan para sa mga nagbabalik-loob upang makapamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang pamilya.
Ipinanawagan din ng grupo sa international community na suriin ang epekto ng pagbibigay ng pondo sa mga rebel group.










