Nanawagan si Opposition Senator Leila de Lima ng mabilisan at malalimang imbestigasyon sa pagpatay umano ng pulis sa isang 18-anyos na binatang may autism sa Valenzuela City nitong May 23.
Giit ni De Lima, kailangan ang seryosong pagsisiyasat para lumabas ang katotohanan kung may paglabag sa police protocol at matiyak na maipagkakaloob ang hustisya sa biktima.
Ayon kay De Lima, kailangang mabungkal sa imbestigasyon kung totoo ang nakasaad sa initial police records na nanlaban ang biktima kaya ito binaril ng pulis sa isang raid sa sabungan.
Sabi ni De Lima, taliwas ito sa pahayag ng pamilya ng biktima na imposibleng mang-agaw ng baril ang biktima dahil mayroon itong autism at takot sa mga pulis at base sa mga nakasaksi ay hinila pa ang katawan nito matapos barilin.
Diin ni De Lima, kailangang lumabas ang katotohanan dahil patuloy na ginagamit ang kwentong “nanlaban” sa libo libong kaso ng pagpatay sa operasyon ng pulisya lalo na ang may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyon.
Giit ni De Lima sa Philippine National Police (PNP), mahigpit na sundin ang tamang operational procedures upang masiguro na nagagampanan nila ang tungkulin na protektahan ang mamamayan, respetuhin ang karapatang pantao sa halip na basta na lamang pumatay.