Seryosong mga tanong sa flood control scandal, lumutang kasunod ng pagpanaw ni dating Usec. Cabral

Nagpahayag ng pakikiramay si Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña sa pamilya ng yumaong dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral.

Ayon kay Cendaña, maraming seryosong tanong ang lumitaw kasunod ng biglaang pagpanaw ni Cabral, na itinuturing na isa sa mga pangunahing personalidad sa mga isinasagawang imbestigasyon sa flood control projects.

Kabilang sa binigyang-diin ng mambabatas ang tanong kung sino ang makikinabang sa pagkawala ni Cabral, at kung kasama na bang malilibing ang katotohanan sa kaniyang pagpanaw.

Ipinahayag din ni Cendaña ang interes na malaman kung si Cabral ba ang posibleng gawing “fall guy” sa umano’y napakalaking corruption scandal na kinasasangkutan ng flood control projects.

Dahil dito, nanawagan siya ng agarang pag-secure at pagpreserba ng lahat ng mahahalagang digital records ni Cabral upang mapanatili ang integridad at matiyak ang pagpapatuloy ng mga imbestigasyon.

Pinatitiyak din ni Cendaña sa pamahalaan ang kaligtasan ng lahat ng testigo, suspek, at mga pinaghihinalaang indibidwal na may kaugnayan sa kaso.

Giit pa ng mambabatas, dapat maibalik sa kaban ng bayan ang lahat ng mapapatunayang ill-gotten wealth.

Facebook Comments