
Nagpatupad ng adjustment ang Kongreso sa schedule ng ratipikasyon ng bicameral conference committee report matapos aprubahan kaninang madaling araw ang 2026 General Appropriations Bill (GAB) o ang pambansang pondo.
Mula sa orihinal na schedule na December 22, inilipat ang ratipikasyon para sa bicam report ng 2026 national budget hanggang December 29.
Paliwanag ni Bicam Chairman Senator Sherwin Gatchalian, kailangan bigyan ng panahon ang pagbalanse sa pinal na bersyon ng panukalang pambansang pondo.
Bilang resulta nito, mangangailangan din ng apat hanggang limang araw para sa pagpi-print ng national budget.
Dahil dito, aamyendahan ng Senado at Kamara ang kanilang legislative calendar upang mapalawig ang sesyon hanggang December 29. Kailangan kasing nakasesyon ang Kongreso upang ratipikahan ang budget bill.
Pagkatapos ng ratipikasyon ng bicam report, agad na isusumite sa Pangulong Bongbong Marcos ang mga kopya ng pambansang pondo.









