
Nag-adjourn ang sesyon ngayong hapon sa Senado na walang nangyayaring pagpapalit sa liderato ni Senate President Tito Sotto III.
Matapos ang ilang oras na session break, alas 5:24 ng hapon ay nag-adjourn ang sesyon kung saan si Senator Loren Legarda ang nag-preside.
Mapapansin naman ang tila masayang pahiwatig ni Senate Majority Leader Migz Zubiri nang tawagin niyang “Madam President” si Legarda.
Kung matatandaan, lumutang na si Legarda ang sinasabing ipapalit kay Sotto sa pwesto.
Kung kanina ay nagpakita ng “full force” ang minority group sa simula ng sesyon, bago naman magtapos ang sesyon ay wala ni isang myembro ng minorya ang nasa plenaryo pero ayon kay Zubiri, alam ng minorya na magre-resume at mag-a-adjourn na rin sila.
Samantala, sa panayam kay Sotto, kinumpirma niya na may tangkang i-kudeta siya sa pwesto pero ito ay naharang ng mayorya.
Kumpyansa si Sotto na wala nang ganitong pagtatangka na kudeta sa susunod na linggo.
Nang matanong kung tinanggihan ba ni Legarda ang iniaalok na siya ang maging Senate president, sagot ni Sotto ay sa tingin niya tinanggihan ito.










