Sesyon ng Senado, tinapos na kagabi para bigyang daan ang Christmas break

Nag-adjourn na ang sesyon ng Senado kagabi para bigyang daan ang Christmas break.

Ang mga senador ay magbabalik-sesyon sa January 22, 2024 bagama’t tuloy pa rin naman ang committee hearings kahit nakabakasyon.

Sa pag-a-adjourn ay pinasalamatan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang lahat ng mga mambabatas dahil sa kanilang mahusay na pagganap sa tungkulin para sa buong taong 2023.


Ibinida ni Zubiri ang mataas na approval rating na nakuha ng Senado.

Bukod sa mga majority member na senators ay pinasalamatan din ni Zubiri ang minority na kinabibilangan ni Minority Leader Koko Pimentel at Senator Risa Hontiveros na aniya’y hindi naging hadlang at tumulong pa para mapaghusay ang mga tinatalakay na panukalang batas sa mataas na kapulungan.

Nagpasalamat din ang Senate President sa Senate Secretariat sa pangunguna ni Senate Secretary Atty. Rey Bantug.

Paalala naman ng senador sa mga kapwa mambabatas at sa mga staff na huwag kaligtaan ang selebrasyon ngayong Pasko na kapanganakan ni HesuKristo.

Facebook Comments