Sesyon sa labas ng Batasan Complex, pambababoy umano sa lehislatura

Tahasang tinawag ni incumbent Speaker Alan Peter Cayetano na direktang pambababoy sa lehislatura ang isinagawa na sesyon kanina ng mga kongresista sa labas ng Batasan Complex.

Para kay Cayetano, hindi problema kung ayaw na sa kanya ng mayorya ng mga mambabatas ngunit ang pagpapalit ng Speaker ay dapat ginagawa nang naaayon sa Konstitusyon para naman hindi kahiya-hiya ang buong kapulungan.

Sinabi pa ni Cayetano na ngayong araw ay naka-recess pa rin ang Kamara at bukas pa ang pagbabalik sesyon kaya malinaw lamang na ang hangarin sa ginawang sesyon sa Celebrity Sports Plaza ay manggulo.


Lumalabag din sa health at safety protocols ang ginawang sesyon kanina dahil bawal pa ang pagdaraos ng mga malaking pagtitipon.

Hindi rin aniya entertainment show at circus ang Kamara kung inuna lamang sana ang pagpapatibay sa national budget.

Matigas din umano ang ulo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco matapos na ipilit pa rin nito ang pagnanais na maluklok sa pagka-Speaker sa gitna ng kailangang madaliin muna ang pagpapatibay sa 2021 General Appropriations Bill.

Facebook Comments