Sesyon sa Senado sinuspinde sa pagpanaw ni JPE

Sinuspinde ng Senado ang sesyon ngayong araw matapos ianunsyo ni Senate President Tito Sotto III ang pagpanaw ngayong hapon ni dating Senate President at Presidential Chief Legal Counsel Juan Ponce Enrile (JPE).

Alas-6:23 ng gabi ay pinutol na ang introduction sa budget deliberation para sa 2026 national budget sa plenaryo para bigyang daan ang pagdadalamhati sa pagpanaw ng dating lider ng Mataas na Kapulungan.

Si Majority Leader Migz Zubiri ang nagmosyon na suspindehin ang sesyon sa plenaryo bilang bahagi ng kanilang tradisyon kapag may pumanaw na kasamahan.

Ayon kay Sotto, buong buhay ni Enrile hanggang sa mga huling sandali ay inialay niya sa public service.

Lagi aniyang maaalala si “Manong Johhny” na tawag nila kay Enrile sa napakatalas nitong isip at pagkakaroon nito ng malasakit lalo na sa mga empleyado ng Senado.

Kasabay ng pagdadalamhati ng buong institusyon, sinabi ni Sotto na patuloy na mabubuhay sa puso ng mga Pilipino ang mga nagawa ni Enrile sa bansa.

Sa Lunes, ala una ng hapon ay muling magpapatuloy ang sesyon at deliberasyon para sa pambansang pondo.

Facebook Comments