Tatlong malalapit at matatalik na kaibigan ni Pope Francis ang inalis niya sa kaniyang inner circle.
Bagaman at dahil sa edad ang paliwanag ng Vatican kung bakit inalis ng Santo Papa sina George Cardinal Pell ng Australia, Javier Cardinal Errazuriz ng Chile at Laurent Cadinal Monsengwo Pasinya ng Democratic Republic of Congo, marami ang naniniwala na dahil ito sa pagkakasangkot ng dalawang matataas na lider ng Simbahan sa mga sexual abuse cover-up ng mga pari sa kanilang nasasakupan.
Si Cardinal Pell, 77-anyos, ay kinasuhan dahil sa umano ay mga “historical sexual assault offense” sa Australia.
Matitindi rin ang mga akusasyon kay Cardinal Errazuriz, 85-anyos, kasama na rito na wala umano siyang ginawa sa ilang dekada ng pang-aabuso ng mga pari noong siya ang Archbishop sa Santiago, Chile.
Parehong itinanggi nina Cardinal Pell at Errazuriz ang mga paratang sa kanila.
Ang tatlong Cardinal ay kasama sa inner circle ni Pope Francis mula nang mahalal siyang Santo Papa noong 2013. Sila ang katulong at gabay ni Pope Francis sa pagpapatupad ng mga reporma sa simbahang Katolika.