Manila, Philippines – Inatasan ng National Privacy Commission (NPC) ang Carousel Productions, ang organizer ng Miss Earth beauty pageant na magpaliwanag sa ilegal na pagpapalabas ng personal na impormasyon ng mga kandidata.
Matatandaang ibinunyag nina Miss Earth-Canada Jaimie Vanderberg, Miss Earth-England Abbey-Ann Gyles Brown at Miss Earth-Guam Emma Mae Sheedy na nakaranas sila ng sexual harassment sa isang pageant sponsor na kinilalang si Amado Cruz na itinanggi ang alegasyon.
Base sa online post ni Vanderberg, ang kanyang mobile number ay ibinigay kay Cruz na walang pahintulot sa kanya.
Dito na hiningi ni Cruz ang hotel at room number ng kandidata.
Iginiit din ng mga pageant contestant na humingi ng sexual favors si Cruz kapalit ng pag-advance nila sa beauty contest.
Sa liham ni Atty. Francis Acero, NPC Complaints and Investigation Division Chief, inaatasan nito ang Miss Earth organizer na magbigay ng pertinent data sa loob ng limang araw kapag natanggap na ang sulat.
Hinihingi rin ng NPC ang pangalan ng mga data protection officer ng Carousel at ang NPC registration details nito.
Kapag nabigo ang Carousel na tumugon sa NPC ay may kaakibat na civil, criminal at administrative sanctions.