
Nilinaw ng Department of Transportation o DOTr na hindi lahat ng lumabag sa batas trapiko ang isasama nila sa shame campaign ng pamahalaan.
Sinabi ni DOTr Sec. Vince Dizon na ang kasama lamang sa kanilang “huwag n’yong tularan” o “huwag n’yong pamarisan list” ay para lamang sa mga motoristang mabigat ang paglabag sa batas trapiko.
Aniya, kumukonsulta na rin sila sa mga abogado kaugnay ng puwede at hindi nila puwedeng gawin sa kanilang plano para wala silang malabag na batas.
Pero sinabi ni Dizon na seryoso sila sa kanilang planong isapubliko kada linggo ang pangalan ng mga driver na lumabag sa batas.
Ang hakbang ng DOTr ay base na rin sa ulat ng Land Transportation Office na nakapag-isyu na sila ng 2,008 show cause orders laban sa mga pasaway na drivers habang nasa 420 na mga lisensiya na ang kanilang ni-revoke.
Sobrang taas ito kumpara sa buong taong 2024 na nasa 1,100 show cause orders lamang ang kanilang ipinadala sa mga motorista.









