Patuloy pa ring nakaaapekto sa bansa ang tatlong weather systems –– shear line, easterlies at ang Inter Tropical Convergence Zone o ITCZ.
Ang shear line o ang linya kung saan nagtatagpo ang northeasterly wind flow at ang easterlies ay nakaaapekto sa Hilagang Luzon at magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat nap ag-ulan at pagkulog sa Cagayan Valley, Apayao at Ilocos Norte.
Habang ang ITCZ naman o ang lugar kung saan nagtatago ang hangin mula sa northern at southern hemisphere ang siya namang magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan sa Caraga, Northern Mindanao, Eastern Visayas at Central Visayas.
Samantala, ang easterlies o ang mainit na hangin mula sa Karagatang Pasipiko, at ang localized thunderstorm ang dahilan ng pag-ulan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.
Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng posibleng pagbaha at pagguho ng lupa tuwing may kalakasan ang pag-ulan.
Bukod dito, binabantayan din ngayon ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Kaninang alas-3:00 ng umaga, huling namataan ang LPA sa layong 970 kilometers east ng Guiuan, Eastern Samar.
Inaasahang lalapit ang LPA sa Mindanao area, posible sa Caraga o sa Davao Region.
Gayunman, mababa pa rin ang tiyansang lumakas ito at maging isang bagyo.