Pinagana na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang kanilang shelter clusters sa mga lugar na apektado ng Bagyong Kristine sa bansa.
Partikular na na-activate ang shelter cluster sa regional offices sa Ilocos Region (RO1), Cagayan Valley (RO2), Central Luzon (RO3), Calabarzon (RO4A), Mimaropa (4B), Bicol Region (RO5), Western Visayas (RO6), Central Visayas (RO7), Eastern Visayas (RO8), National Capital Region (NCR) at Cordillera Administrative Region.
Sa ipinalabas na memorandum ni DHSUD Secretary Rizalino Acuzar, inatasan ang kinauukulang regional directors na round-the-clock na subaybayan ang kanilang mga lugar at magkaloob ng emergency response at humanitarian assistance kung kinakailangan.
Ang DHSUD bilang head ng shelter cluster ay nagkakaloob ng cash assistance mula sa kanilang Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) sa mga biktima ng kalamidad, manmade o natural na may halagang P30,000 sa mga may-ari ng totally damaged houses at P10,000 para sa mga partially damaged house.