Sheriff na tumanggap ng suhol sa drug case, sinibak sa pwesto ng Korte Suprema

Sibak sa pwesto ang inabot ng isang sheriff na nahatulang guilty sa pagtanggap ng suhol kaugnay sa isang kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, dinismiss si Dwight Aldwin Geronimo na Sheriff IV ng Imus Regional Trial Court Branch 121 at habangbuhay na ring pinagbawalan na magtrabaho sa gobyerno.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Antolyn Gonzales na nagsabing hiningan siya ng P200,000 kapalit ng pagpapabilis ng pag-usad ng kaso ng kaniyang kaibigan na si Monib Amatonding.

Ipinagmalaki pa ni Geronimo na tiyahin niya ang hukom at nangako itong pagbibigyan ng piyansa si Amatonding.

Naibigay na kay Geronimo ang paunang bayad na P115,000 pero nang hindi pagbigyan ng korte ang petition for bail ay bigla itong naglaho at hindi na nakausap pa ni Gonzales.

Depensa ni Geronimo, utang umano niya ang pera pero kalaunan ay sinabi nitong ginawa niya ang paghingi ng pera para ibinunyag ang umano’y korapsiyon sa korte.

Napatunayan naman ng Judicial Integrity Board na guilty si Geronimo sa gross misconduct at inirekomenda ang kaniyang dismissal, bagay na kinatigan ng Korte Suprema.

Pinaalalahanan naman ng Kataas-taasang Hukuman ang lahat ng mga court employee na maging magandang halimbawa sa kanilang tungkulin.

Facebook Comments