Patung-patong na kaso ang posibleng kaharapin ni Shiela Guo matapos ang mga pag-amin niya sa Senado kaugnay ng pagtakas nila nina dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay Justice Usec. Nicholas Felix Ty, maituturing na “fatal” ang mga impormasyong inilahad ni Guo sa Senate panel nang aminin itong isa siyang Chinese citizen at hindi niya kapatid ang dating alkalde.
Pinalala pa aniya nito ang posiblidad nang amining peke ang kanyang birth certificate at ilegal ang pagkuha nila sa Philippine passport.
Imposible aniyang malagay pang state witness si Shiela Guo dahil mismong si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ang nagdududa sa mga salsaysay niya sa Senate hearing.
Nahaharap ngayon si Guo sa reklamong disobedience to legislative summons at paglabag sa Philippine Passport Act, pero inaasahang madagdagan pa ang mga reklamo laban sa kanya, dahil may mga idinagdag pang reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kanya, na sasailalim ngayon sa preliminary investigation.