SHIELD Bill, ipinakokonsidera ng Makabayan na ikatlong economic stimulus package

Ipinakokonsidera ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa liderato ng Kamara ang Strengthening Health, Social Protection, Economic and Local Industrial Development o SHIELD Bill bilang pangatlong economic stimulus package.

Iginiit ni Zarate ang agad na pagkonsidera at pagpapatibay sa panukalang batas dahil ito aniya ay isang komprehensibong batas na makatutugon sa kinakaharap ngayon na problemang pang-ekonomiya at pangkalusugan ng bansa.

Nakapaloob kasi sa panukalang batas ang ₱10,000 cash aid para sa mga mga Pilipinong apektado pa rin ng idinulot na lockdown at COVID-19 pandemic.


Inoobliga ng progresibong mambabatas ang pamahalaan na maibigay sa lalong madaling panahon ang ₱10,000 na hinihinging ayuda bunsod na rin ng naitalang 4 milyong walang trabaho ngayon sa bansa na sinabayan pa ng patuloy na pagtaas ng inflation rate.

Ayon pa kay Zarate, bukod sa ayuda ay nakapaloob din sa SHIELD Bill ang ₱928.5 billion para sa pagbangon ng ekonomiya; ₱320.85 billion para sa pagpapalakas ng health care system; at ₱316.85 billion para sa pagpapalawak ng social protection ng mga Pilipino.

Facebook Comments