Manila, Philippines – Aminado si BOC Commissioner Isidro Lapeña na nakakalusot pa rin ang mga ilegal na kargamento kabilang na ang mga illegal drugs na idinadaan sa mga shipment dahil sa kurapsyon at Tara System sa ahensiya.
Sa ginanap na Forum sa Manila Hotel sinabi ni Lapeña na 70 porsyentong bulto bultong ilegal na droga ay nakalulusot sa pamamagitan ng shipment dahil sa problema ng kurapsyon at Tara System sa ilang mga opisyal ng BOC.
Paliwanag ni Lapeña na ginagawan na nito ng paraan upang matuldukan na nito ang kurapsyon sa ahensiya dahil ito umano ang kautusan ni pangulong Duterte na tigilan na ang Tara System sa ilang mga opisyal ng BOC at taasan ang target upang magamit ang pondo sa mga pagtaas ng sweldo sa mga guro.
Giit ni Lapeña na para mawala ang kurapsyon sa ahensiya ay dapat buksan ang mga bangko ng 24/7 operation upang doon na magbabayad ang mga negosyante at hindi na dumaan pa sa ilang mga tiwaling opisyal ng BOC.