Inihain ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ang Senate Bill No. 1560 o ang Relief Goods Free Transportation Act na nag-aalis sa shipping fees ng transport service providers upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng relief goods sa buong bansa.
Layunin ng hakbang ni Revilla na mabawasan ang gastos sa pagbiyahe ng relief goods sa mga lugar na idineklarang nasa State of Calamity ng Pangulo o ng Local Government Units (LGU).
Inaatasan ng panukala na maghatid ng relief goods nang walang bayad ang Office of the Civil Defense sa pakikipagtulungan ng Philippine Postal Corporation at lahat ng freight companies, common carriers, private carriers, freight forwarders at iba pang kumpanya na naghahandog ng logistic services sa bansa.
Nakapaloob din sa panukala na ang mga common carriers, freight forwarders at iba pang kahalintulad na kumpanya ay dapat maghatid ng goods and services nang libre sa mga lugar ng kanilang operasyon.
Base sa panukala, ihahatid naman sa pinakamalapit ng LGU ang relief goods na para sa mga lugar na mahirap marating.