
Sinuspindi na ng Land Transportation Office o LTO ng 90 days ang lisensiya ng driver ng pulang sasakyan na sangkot sa road rage sa Naga City.
Isinailalim na rin ng LTO ang kotse sa alarm status.
Ayon sa LTO Bicol, base sa nakuhang CCTV footage, nakita ang driver na nag-overtake sa ilang sasakyan kahit na nakakaranas sa lugar ng matinding traffic at may mga kasalubong na sasakyan.
Bigo itong nakabalik sa kaniyang linya at kalaunan ay nakipag-away na sa isang motorista na nagresulta sa road rage.
Dahil sa insidente, pinapatawan ang driver ng reckless driving sa ilalim ng Section 48 ng Republic Act. No 4136, at posibleng masuspinde o bawiin ang lisensya ng driver batay na rin sa Section 27 ng parehong batas.
Pinaalalahanan ng LTO Bicol ang lahat ng motorista na maging responsableng driver at walang puwang ang ano mang road rage o kapabayaan sa kalsada.









