Kinumpirma ng isang source mula sa Korte Suprema na ini-atras na ni Associate Justice Marvic Leonen at ng Supreme Court En Banc ang Show Cause Order nito laban sa Office of the Solicitor General (OSG) at kay Manila Times reporter Jomar Canlas.
Ayon sa source, nagpadala ng liham si Leonen sa kanyang mga kapwa-mahistrado na nagsasaad ng mga katagang “forgiveness is often the more decent consequence of another’s misunderstanding.”
Una rito, inatasan ng Korte Suprema ang OSG at si Canlas na magpaliwanag kung bakit hindi sila nararapat na i-contempt.
Kaugnay ito ng sinasabing leakages ng draft resolution ni Leonen sa election protest ni dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban kay Vice President Leni Robredo.
Una nang inihayag ng OSG at ni Marcos na bias daw si Leonen sa paghawak sa nasabing election protest at pumapabor ito kay Robredo.
Ang naturang pahayag ay nailathala naman sa exclusive report ni Canlas sa Manila Times.