
Pinagpapaliwanag na ng Land Transportation Office (LTO) ang kinatawan ng Toyota Financial Services Philippines Corporation, ang rehistradong may-ari ng Toyota Hilux.
Kasunod ito ng “viral video” na nagpapakita sa naturang sasakyan na gumagawa ng mapanganib na mga maniobra sa kalsada.
Sa nasabing video, makikita ang Toyota Hilux na paulit-ulit na humaharang sa dinaraanan ng isang bus at humihinto pa sa gitna ng highway, na naging sanhi ng sagabal para sa ibang motorista.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni LTO Chief Asec. Markus V. Lacanilao kay Intelligence and Investigation Division (IID) Chief Renante G. Melitante, ang agad na pagpapalabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa naturang owner at driver ng Toyota Hilux.
Itinakda ng LTO-IID ang hearing sa Lunes Nobyembre 24, 2025 dakong alas-10:00 ng umaga sa LTO Central Office, East Avenue, Quezon City.
Ipinapaalala ng LTO na ang hindi pagdalo o hindi pagsunod sa SCO ay maaaring magresulta sa kaukulang pananagutan alinsunod sa batas at regulasyon.









