Manila, Philippines – Tikom ang kampo ni over-all deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang matapos siyang sibakin ng Malacañang dahil sa kasong katiwalian at betrayal of public trust.
Batay sa desisyong pinirmahan umano ni Executive Secretary Salvador Medialdea, nakasaad na nilabag ni Carandang ang code of conduct and ethical standards for public officers and employees nang maglabas ito ng impormasyon hinggil sa tagong bank accounts umano ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tila tinulungan umano ni Carandang si Senator Antonio Trillanes IV para idiin si Pangulong Duterte sa kaniyang paratang na tagong yaman nito.
Malinaw din umano na pag-dungis sa imahe ng Pangulo ang ginawa ni Carandang.
Nitong Enero nang i-utos ng palasyo ang suspensyon ni Carandang habang iniimbestigahan ang kaso laban sa kanya, ngunit hinarang ito ni retired Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Iginiit ng dating anti-graft chief ang ruling ng Korte Suprema na nagpapawalang bisa sa kapangyarihan ng presidente na disiplinahin ang Deputy Ombudsman.
Si Carandang ang nanguna sa imbestigasyon, kasunod ng pag-turn over umano ng anti-money laundering council sa sinasabing records ng bank transactions ng pamilya ni Duterte na aabot daw sa bilyong piso.
Taong 2013 nang umupo sa pwesto si Carandang matapos i-appoint ni dating pangulong Noynoy Aquino.