Manila, Philippines – Ni-relieve na sa pwesto ang isang pulis na nakita sa viral na video ngayon na nanampal ng isang bus driver.
Iniharap pa si PO1 Edmar Costo, beat patroller na nakatalaga sa PCP 1 ng Paranaque City Police Station kay National Capital Region Police Office Acting Regional Director Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar.
Base sa imbestigasyon ng SPD nangyari ang insidente bandang alas sinco y medya kahapon sa Roxas Blvd cor. Redemptorist Street Baclaran, Parañaque City kung saan sinita ni P01 Costo ang bus driver na si Joel Mametis ng Valisno Express Bus dahil nakabalagbag ang minamaneho nitong bus at nagdudulot na ng trapiko.
Umakyat ang pulis sa bus para tiketan ang driver na umano ay tinangka pa siyang suhulan.
Dahil sa ayaw umanong ibigay ng driver ang kanyang lisensya at sinigawan pa nito si P01 Costo kung kaya at nagawa umano niyang sampalin ang tsuper.
Kaugnay nito tinanggal na sa Paranaque Regional HQ ang bagitong pulis at inilipat sa support group ng NCRPO.
Sa ngayon, inihahanda na ang reklamong simple misconduct at slight physical injury laban kay PO1 Costo.